Huwebes, Marso 2, 2017


Sariling Pagkakakilanlan
Ginawa ni : Lance Ivan P. Santiago




               
                “Sino ba ang mga Pilipino?” o “Kilala mo ba sila?” Ilang taon ang lilipas magmula ngayon, baka itong dalawa ang ilan sa mga tanong na matatanggap natin. Ang mas malala pa nga ay, ilang taon ang lilipas magmula ngayon, baka hindi na natin ito masasagot. Siguro’y ikaw ay nagtataka kung bakit ko nasabi ang mga bagay na ito. Baka tatanungin mo pa nga ang sarili mo, “maaari ba itong mangyari?” Masakit man isipin ngunit ang sagot diyan ay “oo, maaari itong mangyari.” Maaaring darating ang panahon kung kailan ay malilimutan natin ang ating kultura. Maaaring darating ang panahon kung kailan, malilimutan nating ang ating wika. Maaaring darating ang panahon kung kalian, mamamatay ang ating sariling pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Ngunit, paano nga ba ito mangyayari?

                Sa nakikita ko ngayon, parang mas nauuna pa ang mga dayuhan pagdating sa mga bagay-bagay kaysa sa mga Pilipino. Nakikita ko rin na maraming Pilipino ang nagtatrabaho sa ilalim ng mga dayuhan. Pero ako ay nabigla nang nakita kong pinagwawalang-bahala na lamang ito ng mga Pilipino. Akoy nabigla nang nakita kong unti-unti nang sumusunod ang mga Pilipino sa mga paraan ng mga dayuhan. Nasaktan ako nang nalaman kong maraming Pilipino ang mahusay magsalita ng ibang wika nugnit nahihirapan pagdating sa Wikang Filipino. Ang mga kilos at pananamit nga ng ibang Pilipino ay halos magkapareho na sa mga dayuhan. Ito pa nga ay umabot sa punto na pati ang kabataan, na siyang tinuturing kinabukasan ng bansa, ay gumagaya na sa kanilang pananalita. Pati ang ating pamahalaan ay mas nagbibigay daan sa mga dayuhan kaysa sa mga Pilipino. Ano na nga ba ang nangyayari? Imulat natin ang ating mga isipin.

                Ngayon na alam na natin ang maaaring dahilan, mananatili nalang ba tayong balintiyak? Susunod na lamang ba tayo sa mga dayuhan at magpapailalim sa kanila? Hahayaan nalang ba nating mamatay ang ating wika at kultura? Panonoorin na lamang ba nating mawala ang ating sariling pagkakakilanlan? Ako ay buong pusong nagnanais na ang sagot ninyo ay malaking, “hindi!”  Sama-sama tayo sa paglalaban para sa ating pagkakakilanlan. Turuan at tulungan natin ang kabataan kung ano talaga ang tama bilang Pilipino. Sana’y hindi tayo magiging duwag at magpapadala sa mga dayuhan. Mahalin natin ang sariling atin. Tayo ay magtulungan sa paglalaban laban sa mga kamaliang nangyayari.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento